Thursday, February 17, 2011

Sa Iyong Pagtanda......

Batid ko ang hirap na iyong pinagdanasan
Pati na ang mga hirap na pagdadanasan
Kaya sa iyong pagtanda ako ay asahan
Na makakasama mo sa ano mang paraan.

Kung ang paningin ay unti unting lumalabo
At mga kamay ay nanginginig,
Aakayin ka, sasamahan ka
Kaya kumapit sa aking bisig.

Patawarin mo ako kung ako ay mabilis,
At kung minsan tila nagmamalabis,
Hindi ko nais na ikaw ay mainis
Mabilis lamang ako kumilos, mag-isip.

At kung minsan ay di kita mapansin,
Huwag mag alala pagkat ikaw pa rin
Ang nag iisang mahal sa aking buhay
Kaya buong puso sa iyo ay alay.

Kung ang aking boses minsan ay tuminis,
Hindi nangangahulugan na ako ay galit,
Ako lamang ay pagod, tali sa mga isipin
Kaya huwag mag atubili na ako ay yakapin.

Kung sa iyong pagtulog ay di ka mahagkan,
Pagkat ayaw kong magambala ang iyong pahinga,
Ganun pa man, madalas kitang pagmasdan,
At nangingiti sa tuwing nahihimbing ka.

Kasabay ay panalangin na naway sayong panaginip,
Masasayang himig ang iyong inaawit,
Mga halakhak natin nung ako pa’y maliit,
Ang pawang tinig na iyong naririnig.

Mapapansing ako ay tahimik sa isang tabi,
Walang imik, nag iisip at di mapakali,
Sa mga paraan upang ikaw ay sumaya,
Paano ko ihihingi na dugtungan ka pa NYA.

At kung minsan ay di kita maintindihan,
Huwag magtampo, huwag magalit ng taimtim,
Ito ay gawa ng maraming dahilan,
Pero hindi sapat upang ikaw ay manimdim.

Sa iyong pagtanda, iyong pakatandaan.
Di mo man ako maalala, makilala o matandaan
Iingatan ka, sasamahan at gagabayan.
Hangang sa iyong huling hantungan.


Original Composition: Dyun A.

No comments:

Post a Comment